nOiSiErDiSpUtE

January 23rd, 2009

Ang Makapili sa Makabagong Panahon

Makapili (Malayang Katipunan ng mga Pilipino) ang tawag sa samahan at mga kasapi nito na panig sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sila ang mga katulong ng mga Hapon sa paghahanap at paglupig sa mga Hukbalahap (HUkbong BAyan LAban sa mga HAPon). Karaniwang may nakasuot na bayong, na may dalawang butas para sa mga mata, sa ulo ang Makapili sa pagtuturo ng mga Hukbalahap o mga taong laban sa mga Hapon.

Sa panahon ngayon, marami pa ring Makapili ang naglipana maging sa ibang bansa. Yep! Sosyal na sila at nasa abroad na. Hindi na iba ang pagtuturo ng mga kababayan natin sa mga may kapangyarihan. Sa ibang bansa, ang karaniwang kinahihinatnan ng mga itinuturo ay ang pagpapalabas sa bansa o pagpapabalik sa Pilipinas. At ang mga biktima ay hindi na mga Hukbalahap kundi ang mga TnT, Tagu ang Tago, nating mga kababayan. Iba na rin ang tawag sa kanila. Hanep talaga.

Dito sa Alemanya, tulad sa ibang bansa lalo na sa Estados Unidos, naglipana ang mga sumbungan at turuan. Ayon sa mga kakilala ko rito, mas marami umanong turuan noon kaysa ngayon. At ang karaniwang dahilan ay inggit o pag-aaway. Ano man ang dahilan ng pinag-awayan ay nakalulungkot isipan na turuan ang kahahantungan ng lahat na kung saan ay mapauuwi ang itinuro at tiyak na malaking kabawasan sa tulong na naibibigay nito sa kaniyang pamilya. Wala nang Euro at packages ng German goods.

Kamalailan lamang ay may mga itinurong kababayan. Ayon sa umiikot na balita (na sing bilis ni Flash na kumalat), pinuntahan ang mga biktima sa kanilang bahay, isang umaga, ng mga awtoridad. At dahil sa silang mag-asawa ay walang papel, kaagad silang isinama sa presinto. Sinasabing nakatanggap, 'di umano, ang mga awtoridad ng e-mail upang matunton ang dalawa. Hindi sinabi kung sino at ano ang laman ng e-mail ngunit sinabing may larawan daw na nakuha mula sa Friendster account ng biktima. Sosyal talaga at tech-geak pa! Iba'ng level nito.

Kaagad namang rumesponde ang kaibigan ng mga biktima upang mailabas sa kulungan ang dalawa. Ngunit dahil sa naniniguro ang mga awtoridad na tuluyan ngang uuwi ang dalawa, isa lamang ang pinayagan nilang magbayad ng bond na nagkakahalaga ng tumataginting na €5000 kada tao. Hindi pa yata ako nakakahawak ng ganyang kalaking salapi.

Habang nasa kulungan ang lalaki ay nag-aayos ng mga gamit ngayon ang babae para sa kanilang biglaang pag-uwi. Bagamat sila ay puedeng magkita sa kulungan, sa paliparan na sila magkakasama uli, sa kanilang pag-uwi. Goodbye Deutschland!

Walang nakakaalam kung sino ang makapili. Mahirap maghinala dahil sa walang katibayan. Hindi ko na rin siguro dapat malaman. Siguro'y dapat na lang isipin kung ano ang mas makabubuti para sa kanila. Sa tagal nila rito, baka kailangan na nilang umuwi para makapiling nila ang kanilang mga naiwang pamilya at magsimulang muli lalo pa't gusto nilang magkaanak at bumuo ng pamilya. Baka doon sila mabiyayaan ng supling. Made in the Philippines.

Nakalulungkot mang isipin na hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga pangyayaring tulad nito, hindi pa rin ito matatapos. Bakit kaya hindi na lang sila magsuntukan o magsabunutan o magsampalan. Huwag lang sumbungan kasi dehado ang walang papel eh. Pare-pareho namang nag-tra-trabaho rito at kumakayod para sa pamilya. Dats ampeyr!

Ilang kaso na ng sumbungan ang nabalitaan ko. Marami sa kanila ay kakilala ko at hanggang ngayon, wala ring nakapagsasabi kung sino ang Makapili. Nagbabago ang panahon, pati na rin ang paraan ng pasusumbong. Mula sa mga nakatagong ulo sa bayong hanggang sa sulat, hanggang sa tawag sa telepono at ngayon ay sa e-mail. Bakit hindi kaya magbago na rin kasama sa pagbabago ng panahon ang pag-uugali ng tao. Puede kaya 'yun?

Sa panahon ngayon na sadlak sa krisis ang nakararami at nagsusumikap ang lahat upang mabigyan ng magandang bukas ang kani-kaniyang pamilya, bakit hindi kaya tayo magtulungan sa halip na magsiraan?

Hindi lang ang mga Pilipino ang may Crab Mentality, halos lahat ng lahi may ganitong mentalidad. Pero totoo nga siguro na mas masakit kapag sa sarili mong kalahi nanggaling ang sampal. At ang mahirap nito ay hindi mo alam kung sino ang sumampal. Kung gaganti ka man, para kang sumapal sa hangin.

Mauunawaan na mahirap matanggal ang alitan at inggitan ngunit palaisipan sa akin kung bakit kailangang humantong sa ganito ang lahat. Hindi karumal-dumal na krimen ang pagsumbong, walang namatay na tao. Malamang ang namatay ay pag-asa at tiwala sa kapwa tao.

Lalong palaisipan at mahirap unawain ang isang kaso ng isang Pinay na pinauwi ilang taon na ang nakalipas. Wala pa ako noon dito. At dahil laganap noon ang hulihan, pinilit na alamin ng isang Pilipino mula sa mga may kapangyarihan kung bakit nangyayari ang mga ito. Sinabi ng mga awtoridad na hindi nila malalaman ang mga ito kung walang magsusumbong dahil wala naman silang dokumento ukol sa mga walang papel. Kaya nga tinawag na undocumented aliens eh. Sinabi sa kanya na isang babae raw ang tumawag at nagsumbong... at ang pangalan ng nagsumbong ay...

Jessa Zaragosa!

Walang biro! Totoo raw na ito ang ginamit na pangalan! Mabaliw-baliw ako sa kakatawa noong kwinento ito.

Posted by ays at 01:31 AM | 9 minds blown

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.

Post comment as a guest

Your name:

Your email: (will not be posted publicly)

Your website:



Comment posted on January 28th, 2009 at 09:30 AM
huwaw ang lalim ng tagalog mo don bro ah makabayan ka nga : P
Comment posted on January 28th, 2009 at 12:09 PM
taga-bulakan kaya tagalog.
Comment posted on January 23rd, 2009 at 04:22 AM
mala-bob ong kna a
Comment posted on January 23rd, 2009 at 12:44 PM
uy! hindi sadya. hehehe.
Comment posted on January 24th, 2009 at 04:25 AM
hehe ikaw a
Comment posted on January 24th, 2009 at 07:52 AM
hala. nubayan.
Comment posted on January 23rd, 2009 at 01:44 AM
pwede rin bang tumawa?
Comment posted on January 23rd, 2009 at 12:38 PM
uu naman. sige lang. hahaha
Comment posted on January 23rd, 2009 at 12:49 PM
hehehe... salamat naman..
site powered by tabulas | Back to Top - Home - Gallery - Friends - Friends Of - Favorites - Content - Archives - Links