tulong para sa nakakulong na pag-asa
Marami nang dokumentaryo ang naipalabas dito sa Alemanya tungkol sa Pilipinas. Ilang beses ko nang napanood ang mga ito sa mga government owned and operated networks ngunit hindi ko ito ibinahagi. Samu’t saring kwento na ang naipalabas; Ang penitensya sa Pampanga, Buhay riles, Mga batang paslit nag-tra-trabaho sa Pier, Ang mga piraso ng gintong nakuha sa creek ng Maynila, Ang Aleman na nakulong nang walang kasalanan at marami pang iba.
Sa mga dokumentaryong naipalabas, higit na naipakita ang kahirapan ng bansa. Sino mang hindi nakakikilala sa Pilipinas ay magsasabing napakahirap ng bansa natin. Halatang mas binigyang halaga na makita ang problemang kinahaharap ng bansa kaysa sa mga bagay na maipagmamalaki nito. Balance man o hindi ang ulat nila, hindi ko na ito pinansin dahil mas mahalaga sa akin ang laman ng bawat kwento.
Kung pakalilimiin ng manonood ang mga ipinalabas, masasalamin dito kung anong klase ng tao ang mga Pilipino, maganda at pangit. Sa Buhay riles, makikita ang positibong pananaw sa buhay ng babaeng kanilang kinapanayam at ang pananampalataya niya sa Diyos habang ang asawa niya ay nawalan na ng pag-asa sa buhay at umaasa na lamang sa kanya. Nakita rin sa isang batang babae ang malasakit niya sa pamilya nang sinabi niyang ipambibili niya ng bigas ang perang nakuha niya nang maipagbili ang gintong nakuha mula sa creek. At higit sa lahat, malinaw na nakita ang magaan na pagdala ng mga Pilipino sa problema sa buhay, na may pag-asa sila.
Sa mga napanood ko, ang gobyerno ang nasisira dahil sa hindi maayos na pagtugon nito sa suliraning bayan. Kung sabagay, ito naman talaga ang katotohan. Kung bakit ipinalalabas ito dito sa Alemanya, iyan ay dahil sa tumutulong ang bansang ito sa atin lalo na kapag may mga sakuna o kalamidad tayong hinaharap.
Ang pinakabago sa mga dokumentaryong naipalabas ay ang tungkol sa mga kabataang nakakulong. Ang mga ito ay pawang mga menor de edad na ayon sa batas ay hindi dapat ikulong kundi ay sa isang institusyon patuluyin para mapabuti. Una ko itong napanood sa CNN. Kung hindi ako nagkakamali ay itinampok pa ito sa INSIGHT ni Jonathan Mann. Aleman ang mga kumuha ng dokumentaryo kaya naman nakarating ito dito.
Kagabi, tampok ito sa STERN TV; isang magazine show. Nagkataon lang na natapos na ang pinanonod kong show bago ito at nagulat ako nang marinig na sinabi ng host ang “Manila.“ Akala ko namali lang ako ng dinig kaya pinakinggan ko nang mabuti. Nang masiguro ko na Pilipinas nga ang unang paksa nila, hindi ko na nilipat ang channel.
Panauhin niya ang tatlong aktor na Aleman, Klaus J. Behrendt, Dietmar Bär und Josef Bausch at ang paring tumutulong sa mga kabataan na makapag-bagong buhay.
Unang natuklasan nina Klaus J. Behrendt at Dietmar Baer ang kalagayan ng mga batang Pilipino sa bansa nang minsang gumawa sila ng isang TV drama na Tatort. Dahil sa nakalulunos sa sitwasyong nakita nila at ng buong team, naisipan nilang magtayo ng isang samahan na tutulong sa mga kabataang Pilipino.
Ipinakita nila ang bahagi ng dokumentaryo. Si Josef Bausch ay nakapag-aral ng medisina at nagamot niya ang mga sugat ng mga batang nakakulong habang ang dalawang aktor ay nagpanggap na helper nito. Nagawa rin niyang ma-check up ang mag bata. Kasama nila ang pari na siyang nakipag-usap sa warden ng kulungan.
Nagulat ang tatlong Aleman sa nakita nila. Siksikan ang mga bata sa maliit na kulungan na may palikuran na hinukay lang sa isang sulok. “Hindi ito makatao!”, sabi ng isang Aleman na halata ang lungkot sa mata. Halos lahat ng mga bata ay may mga sugat, naimpeksyon na nga ang iba. Hindi sila nakapaglilinis kaya ganoon. Ginamot sila ng mga Aleman; nilinis at pinahiran ng ointment at gamot ang mga sugat ng bata.
Noong araw na ‘yun, nakakuha ng utos ang pari mula sa hukuman upang mailabas ang batang si Peter na nakulong dahil sa pagnanakaw. Nang mailabas nila ang bata, sinamahan nila ito sa kanilang bahay. Nagulat ang bata dahil sa anim na buwan nitong pagkakulong ay lumipat na pala ng bahay ang pamilya nang hindi niya nalalaman. Mabuti na lamang at nakita niya ang kapatid at sinamahan sila nito sa bago nilang bahay.
Nakita ng tatlong Aleman ang kalagayan ng buhay ng pamilya ni Peter. Isang malaking pamilya na siksikan sa iisang maliit na barung-barong sa isang kumunidad na puro mahihirap at walang trabaho. Kinausap ng pari ang magulang ni Peter at napagkasunduang isasama ang bata sa Olonggapo kung saan mayroong institusyon ang pari para sa mga batang nakulong upang makapag-bagong buhay. Sa PREDA, ang pangalan ng institusyon, naroroon ang mga batang galing kulungan. May pagkakataon sila roong makapag-aral at makapag-bagong buhay. Tinuturuan sila roon kung paano mamuhay ng tama at independent na ikinatuwa naman ni Peter.
Sa panayam ng host na si Guenther Jauch, tinanong niya kung may batas sa Pilipinas hinggil sa pagbabawal sa pagkulong ng menor de edad. Sinabi ng pari na ipinagbabawal ito ng batas ngunit dahil sa kawalan ng kakayahan ng lungsod na ipasok ang mga bata sa mga institusyong magtutuwid sa kanila, hinahayaan na lang nila ang mga ito sa kulungan. Hiniling din niya na huwag magpadala ng tulong ang mga tao sa gobyerno dahil sa hindi naman nito tinutuguan ang mga ganitong klase ng problema. Sa halip na bigyan ng abogadong magtatanggol sa mga bata at pangalagaan ang mga kabataan, ay ipinagwa-walang bahala lang ito ng gobyerno. Mas makabubuti raw na sa mga pribadong institusyon na lamang tumulong at makasisiguro silang makaaabot ang mga tulong nila sa nangangailangan.
Upang matugunan ang pangangailangan ng institusyon, gumagawa sila ng gummi candies na mango flavored. May taniman sila ng mangga at mula rito ang mga gummi candies na pinangalanan nilang “Mango Monkeys”. Dahil hilig ng mga batang Aleman ang gummi candies, kaya siguro ito ang ginawa nilang produkto.
Nauna na itong ipinakilala ni Marlyn C. nang siya ay magpunta sa Cologne, Germany para i-promote ang produkto noong 2003 para na rin sa karnebal dito. Si Marlyn C. ay isang batang babae na may masalimuot na nakaraan. May nakilala siya noong babaeng Aleman na nagsama sa kanya sa isang lungsod malapit sa Mannheim at doon ay ibinenta ang kanyang katawan sa mga lalake. Nang malaman ito ni Niki Stein, isa sa mga kasmahan nina Behrendt at Baer, inalam niya ang katotohanan nito at kanyang napag-alaman na ito ay tunay na sinapit ng dalaga. Ang Tatort ang siyang nagtustos ng pag-aaral ni Marlyn hanggang sa siya ay makatapos ng pag-aaral.
Pag-asa ang ipinakikita rito. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katiwaliang tulad nito ay mabubuksan ang sisip at mata ng marami upang matugunan ang suliranin natin.Marami na akong nakilalang grupo ng mga Aleman na tumutulong sa mga batang Pilipino at ikinatutuwa ko ito. Dito sa Alemanya, malaki ang pagpapahalaga nila sa mga kabataan kaya ganoon na lamang ang atensiyong ipinakikita nila. Ilan sa mga ito ang makailang ulit nang bumabalik sa Pilipinas para magbigay ng tulong at patuloy nila itong ginagawa kaya naman kaming mga Pilipino dito ay nagsusumikap na makipag-ugnayan sa kanila. Tulad halimbawa nang magdiwang ng kaarawan ang isang grupo ng Aleman na tumutulong sa mga kabataang Pilipino, pumunta ang mga Pilipino roon at nagdala ng pagkaing Pinoy. Naghandog din ang iba ng awitin at sayaw. Isang maliit na sukling pasasalamat sa malaking tulong na naiambag nila sa mga kababayan natin.
Nalungkot ako sa napanood ko. Naisip ko tuloy kung paano makatutulong. Naitanong ko rin, “Paano makaaahon ang bansa kung ang pag-asa nito ay nakakulong at pinababayaan? Paano sila magkakaroon na kakayahang iahon ang buhay kung wala silang pagkakataon para matuto at makapamuhay ng tama? Saan ngayon tayo patutungo?”
*Ang lahat ng mga link na website ay nasa wikang Aleman. Isinalin ko ang ilan sa mga mahahalagang bahagi nito sa Tagalog. Mangyaring paki-browse na lang ang website upang makita ang mga larawan. Maraming Salamat!
Currently feeling: touched
Posted by ays at 06:40 PM | 38 minds blown
) But it has turned upside down. I spent it with friends. 
) I have chosen to spend my Christmas to the first people who gave the invitation, 

Hehehe. Feeling sosyal talaga ako habang hawak ko ang wine glass, lalo pa’t European College Guy ang attire ko that night. 
Then we decided to sleep.


