Taizé (Part 2)
Church
Sa Taizé, tatlong beses kayong pupunta sa church sa isang araw. May morning prayer ng 8:15 ng umaga bago ang breakfast, Midday prayer ng 12:20 bago ang lunch at Evening prayer ng 8:30 after ng dinner.
Ngayon lang ako nagdasal ng tatlong beses sa isang araw at sa loob pa ng simbahan. Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako nasunog! Hehehe
Masarap magdasal sa loob ng simbahan ng Taizé, tahimik at hindi gaanong maliwanag. Relaxing and meditating siya. May kalakihan ito dahil na rin sa ginawang expansion. They want to accommodate as much people as they can kaya nila nilakihan ang simbahan.
Bawal ang mag-ingay sa loob ng simbahan. May mga volunteers na lalapit sa’yo at sasabihan ka ng; “Shhhhh…” Tahimik mo lang dapat kunin ang mga song booklets at readings sa may pintuan ng simbahan at kailangan mong ibalabal ang puting bandana sa balikat mo kapag naka-sleeveless ka.
Maganda ang altar! May mga squares na nakasalansan at may mga kandila sa loob ng bawat squares. Hindi ko nakunan ng litrato kasi hindi makukuha ng kamera ko dahil sa layo at kadiliman. Ilang ilaw lang ang nakabukas at puro kandila na ang ilaw kasi doon.
Ganyan ang makikita mo sa unahan kaya naman okay lang na sumalampak ka sa sahig habang nagdarasal. Wala kasing upuan doon, uupo lang kayo sa sahig na may manipis na carpet. Comfortable naman ang feeling kaya okay lang. Para ka nga talagang nag-me-meditate.
Chants
Sa ganda ng ambience sa loob talagang gugustuhin mong mag-stay. Lalo na kapag narinig mo na ang mga chants ng Taizé. Iba’t-ibang languages ang kinakanta pero masasabayan mo sila dahil sa dali ng melodia. Uulit-ulitin n’yo lang naman ang kanta kaya madaling sabayan, saka may kopya kaya hindi ka mahuhuli.
May favorite nga akong kanta sa bawat language eh. Behüte mich, Gott (German); El alma que anda en amor (Spanish); Apostle’s Creed (English) at Wyslawiajcie Pana (Polski). Kaya nga ako bumuli ng mga cd’s at song book eh. Ang gaganda kasi! Napaka-relaxing at magaganda ang laman ng bawat kanta. Kaya nga hindi maalis sa isip ko eh. Palagi siyang tumutugtog sa utak ko at gumigising akong iyon ang kanta na nasa isipan.
Isa sa nakakatuwa at nakabibigla sa mga songs dito ay ang Tagalog translations ng tatlong kanta. Hindi ito kinanta, nakita ko lang ito sa songbook. May nagsabi sa akin na kaya mayroong Tagalog translation ay dahil sa WYD sa Manila. Sa tatlong Tagalog translation, may isang pang Cebuano. Okay, di ba?
Wala talagang choir ang simbahan, may mga practice lang ng mga kanta tuwing alas-dos ng tanghali araw-araw. Sumali ako sa practice at sinabi nga ng babaeng nagtuturo, para raw alam na naming lahat ang kanta. Hindi kami nahirapan sa pag-ble-blend at pag-vo-voicing. Napakalamig ng pagkanta namin at parang isang grupo na kami na matagal nang nag-e-ensayo. Siguro isang magic ‘yun o dahil sa Holy Spirit. Hindi ko alam kung ano ang ginagamit nilang intrumento. May organ sa simbahan pero madalas, ang maririnig mo lang ay isang string instrument na para bang harp. Kaya nga siguro parang heavenly ang tugtog, sasabayan pa ng heavenly voices ng tao.
Prayers
Tuwing Midday prayer, makakatanggap ng Eucharist. Ito ang apat na araw na sunud-sunod akong tumanggap ng komunyon. Buti nga hindi napaso ang dila ko eh. J
Tuwing Viernes naman ng gabi, puede kayong magdasal sa harap, paikot sa krus na inihiga nila. Maraming tao ang nakapila para magdasal dito, nakipila rin ako at nagdasal. Habang nagdarasal kayo, nagkakantahan naman ang iba na lalaong nagbibigay ng solemnity sa paligid.
Tuwing pagkatapos ng evening prayer, puede kang magpa-bless kay Bro. Roger, ang founder ng Taizé. Marami rin ang nakapila para magpa-bless. At siempre, hindi ako nawala sa pagpila.
Tuwing Sabado naman, bibigyan kayo ng kandila na sisindihan n’yo sa last part ng prayer to symbolize the light of Easter. Napakagandang tingnan ng paligid na napupuno ng liwanag galing sa mga libong kandila sa loob ng simbahan. Nagliliwanag ang paligid at napupuno ng kagaanan ng loob. Siguro, nakakagaan ng loob na makita ang mga liwanag na dala ang bawat isa habang nagkakantahan. Napakagandang pagmasdan ng mga apoy ng kandila habang ito’y nagsasayawan sa saliw ng mga awitin sa loob ng simbahan.
Hindi ko maipaliwanag, pero sa tingin ko, ang liwanag ay nakapagbibigay ng lakas ng loob sa mga tao doon kaya ganoon na lamang ang pakiramdam.
Tuwing lingo ay misa. At gaya ng mga nakaraang araw, maganda pa rin ang ambience ng simbahan at masarap pa ring sabayan ang awitin. Dito ako nakaramdam ng lungkot dahil ito ang huling araw namin, at ayaw ko pang umuwi.
Lake
Sa ibaba ng hill, may man-made falls and lake. This is the place where no one is really allowed to make noises. Sobrang tahimik talaga kaya rinig mo ang lagaslas ng tubig. You’ll enjoy the place’s tranquility and the time to reflect and meditate.
Puede kang umupo sa may batuhan at isawsaw ang paa mo sa umaagos na tubig. Ang sarap ng feeling ng malamig na tubig na umaagos sa paano. Nakaka-relax.
Puede ka ring humiga sa may damuhan malapit sa lake o sa damuhan malapit sa mga puno at magpahinga. ‘Yan ang ginawa ko. Hindi ko na inintindi kung madumi ba ang damo o kung may insekto mang gumapang sa akin. Basta masarap ang pakiramdam nang paghiga sa damuhan at ramdam mo ang lupa habang nakikita mo ang mga sanga’t dahon na sumasayaw sa ihip ng hangin kasabay ng pagdaan ng mga puting ulap sa bughaw na kalangitan.
May tulay sa may lake, maganda ang simbolo ng tulay para sa akin. Isa ito sa mga naging subjects ng mga kinuha kong litrato. Hindi lang kasi daan ang tulay para sa akin. Isa itong tulong para hindi ka mabasa ng tubig, para hindi mo na kailangan pang lumangoy o mamangka. Para itong kamay na inaabot mula sa isang pampang patungo sa kabila. Isa itong simbolo ng pagkakaunawaan, pagkakaibigan at ng kapayapaan.
Wanting to stay
Dito ako laging humihiwalay sa mga kasama ko, sa may lake. Lagi nga nila akong hinahanap dahil nawawala raw ako sa tabi nila. Lumalayo kasi ako dahil gusto kong mag-muni-muni. Mag-esep-esep. Hanapin ang sarili at alamin kung saan patutungo.
May nakita nga akong isang lugar na magandang tigilan. Isa itong punong masanga. Ang mga sanga nito ay nakahilig sa may lake at may bangko na nakapatong dito. Dahil sa mga dahon ng puno, hindi ka gaanong kita kaya sarili mo ang lugar. Ito ang spot ko at dito ako naglagi.
Matagal ko nang gustong gawin ito kaya lang hindi ako makahanap ng lugar na hindi magugulo ang utak ko. Dito kasi, parang nabawasan ang load ng isip ko. Walang problema... walang inaalala... fresh ang utak ko.
Mula kasi nang guluhin ako sa Pinas at mapadpad dito sa Alemanya, hindi ko na alam kung paano hahanapin ang daan ko. Hindi ko na alam kung paano ito sisimulan. Kahit pa dalawang taon na ang nakararaan, hindi pa rin ako tuluyang makabangon.
Kulang ang oras ko para tuluyang hanapin ang sarili ko sa Taizé. Maigsi ang panahon na inilagi ko roon kaya gusto ko pang bumalik at nang makapag-isip pa nang malalim at mabuti.
Minsan, tinitingnan ko ang mga kinuha kong litrato at saka sinasabayan ng patugtog ng cd ng Taizé para ma-relax. Pero dahil sa dami ng trabaho namin para sa youth, hindi ako makapag-isip nang maayos.
Noong huling araw namin, nalungkot ako. Ayaw ko pang umuwi dahil hindi ko pa nasasagot ang mga tanong ko. Habang kinakanta ang “Behüte mich, Gott“ sa simbahan noong linggo (huling araw namin), naiyak ako. Hindi lang sa ayaw ko pang umuwi kundi sa lyrics ng kanta...
Behüte mich, Gott, ich vertraue dir. Du zeigst mir den Weg zum Leben. Bei dir ist Freude, Freude in Fühle.
Keep me, O God, for I trust in You. You show me the path of life. With you there is fullness of joy.
Hinahanap ko kasi ang daan kung saan ako patutungo. At hindi ko nahanap ang sagot sa paglagi ko sa Taizé. Kaya nang kinanta ito, hindi ko napigilang lumuha. Pagod na kasi ako sa kalalakad at hindi ko alam kung saan patungo ang daang tinatahak ko. Hindi ko rin alam kung gaano pa kalayo. Minsan, gusto ko nang bumalik. Pero malayo na ang narating ko, gusto ko nang ituloy pero napanghihinahan ako ng loob minsan.
Pero sa tuwing kinakanta ko ito, nagkaka-lakas ako ng loob. Nawawala ang pagod at itinutuloy ko ang paglakad. Patuloy na nagtitiwala na tama ang daang aking tinatahak at hindi ako mawawala.
(To be concluded...)
pics from my friends
http://m3rv.blogs.friendster.com/photos/taiz_france_2005/
http://djdavid.blogs.friendster.com/photos/taize2005/
http://djdavid.blogs.friendster.com/photos/taizefrance/
Posted by ays at 04:01 PM | 6 minds blown